MISMONG COMELEC na ang nagsabi na bawal ipatupad ang anumang pagsuspinde ng sinumang opisyal o tauhan ng gobyerno, halal man o itinalaga, sa loob ng 45-araw na campaign period bago ang isang halalan, nang walang permiso mula sa Komisyon.
“Una, lahat ng suspension na ipinapataw sa pagsisimula ng campaign period, 45 araw bago ang mismong araw ng halalan, ay hindi maaaring ipatupad ng walang permiso ng Commission on Elections,” pahayag ni Comelec Chairman George Garcia sa isang interbyu sa radyo kaugnay ng ipinataw na suspension kay Cebu Gov. Gwendolyn Garcia.
“Ngunit, may isang eksempsyon , ito ay kung ang pagsuspinde ay ipinatutupad ng Office of the Ombudsman may kaugnayan sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, o Republic Act 3019,” dagdag pa ni Garcia.
Ang pahayag na ito ni Garcia ang siya ring naging batayan at paniniwala ni Mayor Lota Manalo ng bayan ng Lobo.
Matatandaan na isang noong Disyembre 17, 2024 ay kinatigan ng Ombudsman ang isang habla for Grave Misconduct and Conduct Prejudicial to the Interest of the Service na inihain ng isang Victor T. Ramos, dating punumbarangay ng Brgy. Fabrica kaugnay ng umano’y iregularidad sa pagbili ng solar lights system.
Ngunit dahil ng panahong desisyunan ng Ombudsman ang naturang kaso ay wala na sa pwesto si Mayor Lota ay hindi na maipatupad ang hatol dito.
Dahil sa pagtangal kay Mayor Lota, at sa pagkamatay ni Vice Mayor Jurly, ay umakyat at naluklok sina Kagawad Geronimo ‘Emong’ Alfiler at Kagawad Lito Abiera, bilang alkalde at bise-alkalde, ayon sa pagkakasunod. Naitalaga naman bilang bagong kagawad si Ramos.
Pebrero 2025 ay binaligtad ng Court of Appeals ang hatol ng Ombudsman sa unang kaso at pinababalik sa pwesto si Mayor Lota, ngunit naghain ng mosyon ang naghabla (ERC), kaya hindi kaagad nakabalik si Mayor Lota. Ngunit nitong Abril ibinasura ng CA ang mosyon at pinabalik sa pweasto ang mayora.
Kaagad na pinasumpa sa tungkulin ng Deparment of Interior and Local Government (DILG) si Mayor Lota, ngunit hindi pa man nainit sa puwesto’y ibinaba ng Ombudsman ang Order hinggil sa hiningi ni Ramos na pag-implement ng suspension bilang parusa sa kasong inihain ni Ramos.

Samantala, habang nasa labas ng municipal hall si Mayor Lota upang gumanap sa kaniyang mga tungkulin bilang alkalde ay kara-karaka nama’y nanumpa ulit si Alfiler.
Sa kaniyang post sa social media, sinabi ni Alfiler na noong dumating ang Order ng Court of Appeals na pinababa siya sa puwesto ay kagyat umano siyang tumalima; kung kaya’t ngayong nakatanggap siya ng Order mula sa Ombudsman at karaka din siya’ng nanumpa upang bumalik sa puwesto.
Ngunit malinaw ang isinasaad sa batas. Hindi maaaring ipatupad ang suspension kung hindi nauukol sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at kung walang kalakip na exemption order mula sa Comelec.
Dahil dito, nanindigan si Mayor Lota na manatili sa puwesto at ituloy ang pagganap sa tungkulin bilang mayor ng Lobo hangga’t walang inilalabas na exemption ang COMELEC at direktiba ang DILG may kaugnayan sa ipinalabas na bagong Order ng Ombudsman.
Nananawagan naman ang mga mamamayan ng bayan ng Lobo, Batangas sa grupo nina Alfiler na igalang ang batas lalo’t halos mahigit isang linggo na lamang ang nalalabi at idaraos na muli ang halalan.
Nagbabala naman ang kampo ni Mayor Lota sa mga indibidwal na patuloy sa pagpapakalat ng mga maling impormasyon at fake news na maaari silang managot sa batas sa aniya’y mga mapanirang pagbabalita at iresponsableng paggamit ng social media.| – BNN