TAYABAS City — UPANG higit pang maisaayos ang mga datos at mapalalim ang kaalaman ng mga kawani ng lokal na pamahalaan tungkol sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA), nagsagawa ang Department of Agriculture IV-A CALABARZON (DA-4A) ng pagsasanay sa georeferencing noong ika-3 hanggang ika-5 ng Setyembre sa Tayabas City, Quezon.
Sinanay ang tatlumpung (30) field assistants at kinatawan mula sa LGU ng Quezon sa paggamit ng GPS devices tulad ng Garmin para sa pagtukoy ng eksaktong lokasyon at sukat ng mga lupang taniman. Mahalaga ang georeferencing bilang patunay ng aktwal na estado ng mga sakahan, na ginagamit sa pagrehistro o pag-update ng impormasyon sa RSBSA.
Tinuruan din ang mga kalahok sa tamang pag-encode ng datos sa RSBSA platform upang maging accessible ito sa Regional Field Office at mga LGU na gumagamit ng RSBSAPP-LGU.
Ayon kay RSBSA Alternate Focal Person Suzette Panopio, kailangang maunawaan ng mga LGU ang kahalagahan ng pagsunod sa datos ng RSBSA upang makapaghatid ng tamang impormasyon at serbisyo sa mga magsasaka.
Ang RSBSA ang pangunahing batayan ng DA-4A sa pagkilala sa mga lehitimong magsasaka, laki ng sakahan, uri ng pananim, at mga nararapat na interbensyon na maaaring ipamahagi. Masusundan ang pagsasanay na ito sa ikalawang linggo ng Setyembre sa Tanza sa Cavite.| Carla Monic A. Basister