MAYNILA, PILIPINAS, 01 SETYEMBRE 2025—Tiniyak ng Manila Electric Company (Meralco) sa mga customer nito na handa ang mga crew ng kumpanya na rumesponde sa anumang posibleng alalahanin sa serbisyo ng kuryente na maaaring idulot ng pag-ulan dahil sa Habagat.
Aktibong binabantayan ng Meralco ang lagay ng panahon at nakikipag-ugnayan din ang kumpanya sa mga kaukulang ahensya upang matiyak ang maagap na aksyon lalo na’t mas mataas ang banta ng pagbaha tuwing tag-ulan.
Nagpaalala rin ang Meralco sa mga customer nito na maging alerto at mag-ingat dahil mas mataas ang panganib na magkaroon ng mga aksidenteng may kaugnayan sa kuryente lalo na sa mga lugar na madalas binabaha.
“Pinaaalalahanan namin ang aming mga kustomer na mag doble-ingat upang matiyak ang kanilang kaligtasan, lalo na’t mas mataas ang banta ng pagbaha kaya naman mas mataas rin ang posibilidad na magkaroon ng aksidenteng elektrikal,” ayon kay Meralco Vice President at Head of Corporate Communications Joe R. Zaldarriaga.
Paalala ng Meralco sa mga customer, agad patayin ang main electrical power switch o circuit breaker kapag nagsimulang pumasok ang tubig-baha sa kanilang mga tahanan.
Ilan pa sa mga karagdagang paalala ay:
- Bunutin ang mga appliances mula sa saksakan. Patayin ang mga permanently connected equipment at tanggalin ang mga bombilya kung maaari.
- Iwasan ang paghawak o pagdikit sa mga nakalaylay na kable.
- Kapag humupa na ang baha, ipasuri sa isang lisensyadong electrician ang mga pasilidad ng kuryente lalo na kung may hinala na pinasok ng tubig ang mga ito.
- Huwag hahawak ng circuit breaker o fuse nang may basang kamay o habang nakatayo sa basang sahig.
Para sa mga alalahanin tungkol sa serbisyo ng kuryente, maaaring i-report ito sa pamamagitan ng My Meralco app o sa mga opisyal na social media account ng Meralco sa Facebook (www.facebook.com/meralco) at X na kilala dati bilang Twitter (@meralco). Maaari rin sumangguni sa pamamagitan ng pag-text sa 0920-9716211 o 0917-5516211 o pagtawag sa Meralco Hotline 16211.