IPINAG-UTOS ni Senadora Loren Legarda ang pagsasagawa ng mandatory drug testing sa lahat ng kanyang kawani bilang hakbang upang ipakita ang pananagutan at itaas ang pamantayan ng serbisyo publiko, kasunod ng mga ulat sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot ng isang empleyado sa Senado.
“Karapat-dapat lamang na ang Senado ang magsilbing huwaran sa publiko. Ang konkretong hakbang na ito ay upang manatili tayong modelo ng integridad at propesyonalismo sa ating tanggapan,” pahayag ni Legarda.
Isasagawa ang drug test sa pakikipag-ugnayan sa mga awtorisadong ahensya, alinsunod sa mga regulasyon ng Civil Service Commission (CSC) at mga patakaran sa kalusugan.
Binigyang-diin ni Legarda na ang anumang resulta ng pagsusuri ay dadaan sa tamang proseso at angkop na hakbang ang ipatutupad sakaling may magpositibo.
“Sa pamamagitan ng hakbang na ito, pinatutunayan natin ang ating zero tolerance sa ilegal na droga at ipinapakita ang ating paninindigan sa tapat na paglilingkod at pananagutan,” dagdag ni Legarda.
Bukod dito, isang hiwalay na Memorandum ang muling nagpapaalala sa mga kawani ukol sa Workplace Policy on Prohibited Substances and Activities.
Mahigpit na ipinagbabawal sa loob ng Opisina ni Senadora Loren Legarda, sa anumang pag-aari ng Senadora, at sa loob ng Senado ang mga sumusunod: paggamit o pamamahagi ng ilegal na droga o kontroladong substansya, pag-inom ng alak, paggamit ng vape o electronic cigarette, paninigarilyo, at anumang uri ng sugal.
“Mahigpit na ipatutupad ang patakarang ito upang mapanatili ang ligtas, malusog at produktibong kapaligiran sa trabaho, at upang maisulong ang pinakamataas na pamantayan ng kahusayan, integridad, at propesyonalismo sa paglilingkod-bayan,” pagtatapos ni Legarda.| – Kabayannews.net