Naging impyerno ang buhay ng karaniwang Pilipino dahil sa pagbaha at sa korapsyon sa likod ng mga palpak at guniguning flood control projects – at ang Kongreso ang “original sin” dito.
Idiniin ito nitong Lunes ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson, sabay giit na ang lohikal na konklusyon ng imbestigasyon ng Senado ay dapat umabot sa naturang “original sin.”
“Ang logical conclusion, dapat maabangan natin, hindi hihinto tayo kay Henry Alcantara, Brice Hernandez, Sally Santos o mga Discaya. Dapat makita natin umabot tayo sa original sin,” ani Lacson, na namumuno sa Senate Blue Ribbon Committee na nagsisiyasat sa naturang usapin, sa panayam sa True FM.
“Ang original sin dito, Congress. Kung hindi nag-insert ang congressmen at senador, walang pondong pagkukunan ang tiwaling official sa DPWH lalo na sa mga DEO. Umabot na sa sukdulan kasi may nakausap din kami kasama ang staff ko, umabot sa sukdulan naging systemic pati ang mga minor functionaries, planning, mga section chiefs, naghahanapbuhay na rin,” dagdag niya.
Pamumunuan muli ni Lacson ang susunod na pagdinig ng Blue Ribbon Committee sa Martes, Setyembre 23, ganap na ika-9 ng umaga. Aniya, hiningi na niya kay Senate President Vicente Sotto III na bahagyang ipagpaliban ang pagbubukas ng regular na sesyon sa ika-4 ng hapon.
Kabilang sa mga nasangkot sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee sina tinanggal na inhenyero ng DPWH na sina Henry Alcantara at Brice Hernandez; ang may-ari ng Syms Construction na si Sally Santos; at sina Cezarah at Pacifico Discaya II.
Habang si Hernandez at Santos ay nagpakita ng kooperasyon, si Alcantara naman ay cited in contempt of the committee at kinulong sa Senado. Si Pacifico II ay cited din in contempt of the committee samantalang si Cezarah ay binigyan ng show cause order.
Sinabi ni Lacson na pag-aaralan ngayong Lunes ng komite ang mga dokumento at ebidensiyang isinumite ni Hernandez matapos siyang payagang bumalik sa kanilang bahay upang kunin ang posibleng mga patunay sa kanyang mga paratang, sa ilalim ng mahigpit na seguridad.
Nauna rito, idinawit ni Hernandez sina Senador Joel Villanueva at Jinggoy Estrada sa mga umano’y insertions sa budget ng 2023 at 2025, gayundin sa mga kickback sa flood control projects na itinanggi nina Villanueva at Estrada.
Nang tanungin kung ano ang inaasahan niyang makukuha mula sa mga ebidensiyang dinala ni Hernandez, sinabi ni Lacson: “Ang importante, get to the bottom at managot ang dapat managot. Hindi lang ang Hernandezes and Alcantaras of the world kundi alam nating may mas mataas. Di lang natin maabot kasi di naabot ng ebidensya.”
Muling binigyang-diin ni Lacson na kabilang sa mga inimbitahan sa Martes na pagdinig si dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo, na nagtalaga kay Alcantara sa DPWH sa Bulacan. Sa panahong iyon, “floating” umano si Alcantara at na-“second” sa Lungsod ng Maynila sa ilalim ni noo’y Mayor Joseph Estrada.
Tulong sa ICI
Dagdag ni Lacson, kung may ilalabas na ebidensiya sa pagdinig na makakatulong sa imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), agad nila itong ibabahagi.
“Malaking bagay din kaya malaking tulong kami sa ICI. Di sa pagmamalaki maski papano makakatulong kami. Huwag kami magdadamot at hindi kami magdadamot, tutulong kami,” aniya.
Self-Restraint
Samantala, muling ipinanawagan ni Lacson na dapat magpakita ng self-restraint ang Kongreso at umiwas sa paglalagay ng insertions para sa locally funded infrastructure projects.
“Magkaisa sana si Speaker Bojie at SP Tito, mag-usap kami kasama ang appropriations at finance chairmen namin na pagbawalan namin ang sarili namin na mag-insert ng infrastructure lalo na sa DPWH. Kasi diyan nagsimula. Nawili ng nawili,” ani Lacson.| – Kabayannews.net