MAYNILA, Pilipinas — TINIYAK ng Manila Electric Company (Meralco) ang
kahandaang rumesponde ng mga crew nito sa anumang alalahanin sa serbisyo ng kuryente na posibleng idulot ng bagyong Isang.
Mahigpit na binabantayan ng Meralco ang lagay ng panahon at pinaaalalahanan ang mga customer na maging alerto at maingat lalo na ngayong mas mataas ang banta ng pagbaha dulot ng mga pag-ulan.
“Kaligtasan ang aming pangunahing prayoridad lalo na ngayon na mas mataas ang panganib na magkaroon ng mga aksidenteng may kaugnayan sa kuryente ngayong mas madalas ang banta ng agbaha at malalakas na pag-ulan,” ani Meralco Vice President at Head ng Corporate Communications Joe R. Zaldarriga.
“Hinihikayat namin ang aming mga customer na maging mas alerto ngayong tag-ulan at sumunod sa mga panuntunan kapag mayroong pagbaha.”
Payo ng Meralco sa mga customer, patayin agad ang main electrical power switch o circuit breaker kapag nagsimulang pumasok ang tubig-baha sa kanilang tahanan. Tiyakin din na tuyo ang katawan bago humawak ng anumang pasilidad o kagamitan na may kuryente.
Pinaaalalahanan din ang mga customer na iwasang humawak o madikit sa mga kable ng kuryente at tanggalin sa saksakan ang mga gamit na de-kuryente. Kung maaari, patayin ang mga permanenteng nakakabit na kagamitan na de-kuryente sa tahanan.
Kapag humupa na ang baha, ipasuri sa isang lisensyadong electrician ang mga pasilidad ng kuryente lalo na kung may hinala na pinasok ng tubig ang mga ito. Huwag hawakan ang circuit breaker o magpapalit ng fuse nang may basang kamay o nakatayo sa basang lugar.
Para sa mga alalahanin tungkol sa serbisyo ng kuryente, maaaring i-report ito sa pamamagitan ng My Meralco app o sa mga opisyal na social media account ng Meralco sa Facebook (www.facebook.com/meralco) at X na kilala dati bilang Twitter (@meralco). Maaari rin sumangguni sa amamagitan ng pag-text sa 0920-9716211 o 0917-5516211 o pagtawag sa Meralco Hotline 16211.| – Kabayannews.net