KINILALA ni Sto. Tomas, Batangas Mayor Arth Jhun “AJAM” Marasigan ang First Philippine Industrial Park (FPIP) bilang isa sa mga pangunahing dahilan sa tuloy-tuloy na pag-unlad ng lungsod.
Sa kanyang ikatlong State of City Address (SOCA), binigyang diin ni Mayor Marasigan ang mahalagang papel ng FPIP sa pagpapasigla ng lokal na ekonomiya, pag-akit ng mga mamumuhunan, at pagbibigay ng mas marami pang oportunidad para sa mga Tomasino.
Ayon sa alkalde, malaki ang naitulong ng pakikipagtulungan sa pribadong sektor sa tagumpay ng lungsod. Kabilang ang FPIP at ang mga locators nito sa sumusuporta sa kanilang 12-point agenda na layong mapabuti ang kabuhayan, kita, at serbisyo para sa mga mamamayan.

Noong 2024, umabot sa Php7.23 bilyon ang pumasok na investment sa Lungsod ng Sto.
Tomas. Malaking bahagi nito (Php6.5 bilyon) ay mula sa Dyson Philippines, isa sa mga bagong kumpanya sa FPIP na lalong nagpatibay sa hanay ng mahigit 150 global companies sa FPIP at nagpapatunay na ang Sto. Tomas ay isa sa mga pangunahing destinasyon para sa high-value manufacturing.
Tumaas din ang koleksyon ng buwis ng lungsod na umabot sa Php336 milyon, mas mataas ng 8.7% kumpara noong taong 2023. Dalawa sa mga naitalang top taxpayers ay mula rin sa FPIP, ang Amcor Flexibles Philippines at Shoketsu SMC Corporation.
Pag dating naman sa trabaho, tinatayang 60% ng halos 12,500 job opportunities ay mula sa mga kumpanya sa loob ng FPIP. Ang mga trabahong ito ay mula sa iba’t-ibang sektor tulad ng electronics, packaging, automotive, pagkain at inumin, pharmaceutical, at marami pang iba.

Bilang tugon naman sa tumitinding problema sa trapiko, nakipagtulungan din ang FPIP sa lokal na pamahalaan upang mapabuti ang daloy ng sasakyan. Nagpadala sila ng technical consultant para pag-aralan ang traffic flow sa kahabaan ng Calamba hanggang SM Sto. Tomas. Ang resulta ng pag-aaral na ito ay ginagamit sa paggawa ng mas epektibong plano para maibsan ang trapiko.
Nag-organisa rin ang FPIP ng apat na araw na capacity-building program para sa mga traffic enforcer. Sa pamamagitan nito, 70 traffic enforcers ang nabigyan ng tamang kaalaman sa traffic management, pagpapatupad ng batas trapiko, at road safety.
Patuloy na makikipagtulungan ang FPIP sa lokal na pamahalaan ng Sto. Tomas upang
makapaghatid pa ng mas maraming benepisyo sa komunidad. Hangad ng FPIP ang isang mas maunlad at mas maayos na lungsod para sa mga Tomasino.
Itinatag noong 1996, ang FPIP ay isang joint venture sa pagitan ng First Philippine Holdings (FPH) at Sumitomo Corporation. Ang 600-ektaryang PEZA registered ecozone na ito sa Batangas ay tahanan ng mahigit 150 kumpanya at halos 80,000 na ang empleyado.| – Kabayannews.net