GINAWARAN ng pamahalaang lungsod ng Sto. Tomas, Batangas ang First Philippine Industrial Park (FPIP) at 12 sa mga locator nito dahil sa malaking kontribusyon nito sa buwis at trabaho sa lungsod para sa taong 2024.
Sa ginanap na Taxpayers’ Day noong Setyembre 1, 2025 sa Consuelo Park Pavilion sa FPIP, inilahad ng lokal na pamahalaan na umabot sa Php159 milyon ang buwis na nagmula sa FPIP at mga locator nito. Katumbas ito ng 17% ng kabuuang kita ng lungsod na Php935 milyon.
“Ikinararangal naming maging bahagi ng pag-unlad ng City of Sto. Tomas,” ayon kay Ricky Carandang, head ng External Affairs at Marketing sa FPIP, “Masaya kami na nakatutulong ang aming kontribusyon para makapagbigay ng mas mabilis at epektibong serbisyo para sa mga Tomasino.”
Ang mga kita at bagong trabaho ay sumusuporta sa 12-point development agenda ni Mayor Arth Jhun “AJAM” Marasigan. Kabilang dito ang kalidad na healthcare at edukasyon, mas maraming oportunidad sa trabaho at pamumuhunan, masiglang sektor ng turismo, pangangalaga sa kalikasan, at mas maayos na access sa mga serbisyong pampubliko.
Sa tala ng lokal na pamahalaan, kabilang ang FPIP at siyam na locators nito sa Top 20 Taxpayers sa ilalim ng Real Property Tax (RPT) category. Nangunguna rito ang Dyson Philippines, isang kilalang global tech company, at sinundan ito ng Ibiden Philippines (ika-4), Nippon Premium Bakery Inc. (ika-8), YKK Philippines Inc (ika-12), First Batangas Hotel (ika-18), at Energy Development Corporation (ika-20).
Bukod dito, kinilala rin ang Amcor Flexible Philippines Corp. dahil sa mataas na ranggo sa parehong kategorya. Sila ay nasa ika-4 na puwesto sa RPT at ika-5 sa business tax.
Pasok din sa top business taxpayers ang Shoketsu SMC Corporation (ika-10) at Nippon Express Philippine Corporation (ika-18).
Maliban sa buwis, malaki rin ang naging papel ng FPIP sa paglikha ng mga trabaho sa lungsod. Ayon sa lokal na pamahalaan, 60% ng halos 12,500 ng mga trabaho ay nanggaling sa kumpanyang nasa loob ng FPIP. Nangunguna dito ang Nexem-EMD Technologies bilang top employer, kasama ang Philippine Manufacturing Company of Murata Inc. (ika-3) at Brother Industry Philippines Inc. (ika-5).
Pinuri naman ni Vice Mayor Cathy Jaurigue-Perez ang FPIP at mga locators nito, “Dahil sa kanilang kontribusyon, mas napalago natin ang ekonomiya at magkaroon ng marami pang proyekto para sa maayos na paglilingkod sa mga Tomasino.”
Itinatag bilang isang joint venture ng First Philippine Holdings (FPH) at Sumitomo Corporation, ang FPIP isa sa mga nangungunang economic zones sa bansa. Sa kasalukuyan, ang 600-ektaryang PEZA-registered ecozone ay may mahigit na 150 world-class manufacturers at patuloy na lumilikha ng libu-libong dekalidad na trabaho para sa mga Pilipino.| – BNN Integrated News