TAAL, Batangas – INARESTO ng mga tauhan ng Taal Muni-cipal Police Station si DPWH District Engr. Abelardo Dionglay Calalo, 51 anyos, tubong Alaminos, Laguna at residente ng San Pablo City, Laguna, matapos umanong tangkaing suhulan ng P3.126-Milyong cash si Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste noong Biyernes ng hapon.
Batay sa ipinadalang ulat ni PCpt. Rommel P. Magno, OIC chief of police kay Acting Provincial Director, Police Colonel Geovanny Emerick A Sibalo, nabatid na personal na nagtungo sa tanggapan ni Batangas 1st District Congressman Lenado L. Leviste sa Poblacion Zone 12 sa bayang ito si Calalo dala ang P3.1M cash na nakasilid sa isang eco bag bilang suhol para hindi paimbestigahan ng kongresista ang mga flood control projects sa kaniyang Distrito.
Nabatid na ang kabuuang halagang P3,126,900.00 na kinabibilangan ng 31 bundle ng tig-P1,000; isang bundle ng magkakabiang salaping papel na nagkakahalaga ng P26,900. ay kumakatawan sa 3% ng mga proyektong nagkakahalaga ng P104-Milyon.
Dahil dito’y kaagad nan gang inaresto si Calalo at pansamantalahang ikinulong sa Taal PNP Custodial Facility habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Corruption of Public Officials.
Si Calalo ang kasalukuyang District Engineer ng Batangas 1st Engineering District na may tanggapan sa bayan ng Balayan at siyang may hurisdiksyon sa mga pagawaing-bayan sa Lungsod ng Calaca, at mga bayan ng Balayan, Calatagan, Lemery, Lian, Nasugbu, Taal at Tuy.| – Joenald Medina Rayos / Kabayannews.net