Upang malutas ang hindi pagkakasundo, binawi ni Senador Alan Peter Cayetano nitong Lunes ang kanyang nominasyon sa Commission on Appointments (CA).
Ayon kay Cayetano, ginawa niya ito dahil mahalagang magkaroon ng magkakaibang representasyon sa CA, na may kapangyarihang magkumpirma o tumanggi sa mga pangunahing Presidential appointee.
Dagdag niya, isa lamang itong pansamantalang solusyon upang magbigay-daan sa mas malalim na mga talakayan sa mga senador.
“May I propose this temporary measure just so that we’ll have more time to discuss the representation in the CA and the interpretation of the Supreme Court (cases). May I ask that my name be withdrawn as a nominee for the CA,” sabi ng senador sa plenary session nitong August 18, 2025.
Ito ang naging mungkahi ni Cayetano pagkatapos magkainitan sina Senate Majority Leader Joel Villanueva, na gustong maghalal ng 10 miyembro ng Majority sa CA, at Senate Minority Leader Vicente Sotto III, na kumuwestiyon sa proseso ng pagpili.
Nakatulong ito para malutas ang hindi pagkakasundo ng mga senador. Ito rin ang naging dahilan kung bakit binawi ni Sotto ang kanyang mosyon na ipagpaliban ang halalan para sa mga miyembro ng Senate CA.
Naging daan ang mungkahi ni Cayetano para mahalal ng Senado ang kanilang CA contingent, na sina Senador Ronald “Bato” dela Rosa, JV Ejercito, Jinggoy Ejercito Estrada, Christopher “Bong” Go, Rodante Marcoleta, Imee Marcos, Raffy Tulfo, Joel Villanueva, at Mark Villar. Tatlo pang senador mula sa Minority block ang isasama sa panel.
Pinuri ni Senate President Francis Escudero sina Cayetano at Sotto sa kanilang diplomatikong solusyon.
“We thank Senator Cayetano for his magnanimity and as well as thank the distinguished Minority Floor Leader Sotto for his understanding and patience,” wika ni Escudero.
_Kakayahan ng CA na papanagutin ang mga kalihim_ Sa gitna ng hindi pagkakasundo, iginiit ni Cayetano ang kahalagahan ng CA sa pagpapanagot sa mga kalihim.
“My appeal is for the Secretaries of Energy and DENR (that are important). We all know that it’s not only the DPWH and flood control projects ang nag-cause ng baha. We all know that whether it’s the issue of reclamation, kulang ng Environmental Compliance Certificate (ECC), o mga ilog na tinambakan, (problema ng) DENR iyan. We also know na ang laki ng problema sa kuryente in some parts of the Philippines,” wika ng beteranong senador.
“The CA is such a powerful tool to get the secretaries on the right track. Kung hindi sila dapat i-confirm o kung ico-confirm, through our collective effort, I think itong flooding at kuryente madi-discuss ng maaga,” dagdag niya.