Negros Occidental, Pilipinas — Nagpahayag ng matinding pag-aalala ang Commission on Human Rights (CHR) hinggil sa kalagayan ng mga batang lumikas dahil sa patuloy na pag-aalburuto ng Bulkang Kanlaon, na nagdulot ng seryosong epekto sa kanilang karapatang makapag-aral at pangkalahatang kapakanan.
Batay sa datos ng Department of Education (DepEd) noong Hulyo 2025, tinatayang hindi bababa sa 1,403 mag-aaral at kawani ng paaralan mula sa Canlaon at La Castellana ang direktang naapektuhan ng pagputok ng bulkan. Dahil ginawang pansamantalang evacuation centers ang ilang silid-aralan, napilitan ding itigil ang regular na klase sa mga apektadong lugar.
“Ang patuloy na banta ng kalamidad ay hindi lamang nagdisloka ng mga pamilya, kundi lubos ding nakaapekto sa mga batayang serbisyong tulad ng edukasyon—isang pangunahing karapatan, lalo na ng mga batang nasa alanganing kalagayan,” pahayag ng CHR.
Binigyang-diin ng Komisyon ang mas matinding hamon na kinakaharap ng mga batang may kapansanan tuwing may kalamidad, tulad ng kakulangan sa accessible na pasilidad, inclusive na edukasyon, at suporta sa mental na kalusugan. Nanawagan ang CHR para sa isang child-centered at disability-inclusive na pagtugon sa krisis.
Bagama’t pinuri ng CHR ang mga inisyatibo ng DepEd sa pagpapatuloy ng edukasyon sa pamamagitan ng alternatibong paraan at pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan, iginiit nitong hindi magiging epektibo ang mga ito kung walang sapat na tirahan, pagkain, at psychosocial support.
Ayon sa United Nations Guiding Principles on Internal Displacement, ipinaalala ng CHR na pangunahing responsibilidad ng estado ang protektahan at tulungan ang mga lumikas. Kinakailangan ang isang koordinado at makataong tugon mula sa iba’t ibang sektor.
Muling nananawagan ang CHR sa mga ahensya ng pamahalaan, lokal na pamahalaan, civil society, at humanitarian actors na unahin ang karapatan ng mga batang lumikas—lalo na sa usapin ng edukasyon, kaligtasan, at kabuuang kagalingan.| – Kabayannews.net