KRAMATORSK, Ukraine — Sa gitna ng nagpapatuloy na sagupaan ng puwersang Ukrainiano at Ruso sa silangang bahagi ng Ukraine, isang tahimik ngunit makapangyarihang tunggalian ang nagaganap: ang labanan para sa impluwensiyang pangrelihiyon sa pagitan ng dalawang magkaribal na sangay ng Simbahang Ortodokso.
Sa lungsod ng Kramatorsk, na matatagpuan 20 kilometro lamang mula sa linya ng labanan, nagsisikap ang Ukrainian Orthodox Church (UOC), na may makasaysayang ugnayan sa Moscow, na mapanatili ang presensya nito sa kabila ng pag-usbong ng Orthodox Church of Ukraine (OCU), na itinatag noong 2018 sa tulong ng pamahalaang Ukrainiano. Ang tunggaliang ito sa pananampalataya ay sumasalamin sa mas malalim na hidwaang pampulitika sa pagitan ng Ukraine at Russia.
Aktibong isinulong ng pamahalaang Ukrainiano ang pagbabawal sa UOC, sa pag-aakalang ito ay ginagamit ng Russia bilang kasangkapan sa propaganda at paniniktik.
Ayon sa mga opisyal ng seguridad ng Ukraine, umabot na sa 180 pari mula sa UOC ang nasampahan ng kasong kriminal dahil sa umano’y pakikipagtulungan sa mga puwersang Ruso. Mariing itinatanggi ng UOC ang mga paratang at sinasabing pinutol na nila ang kanilang pormal na ugnayan sa Russian Orthodox Church. Hindi na rin umano nila binabanggit ang pangalan ni Patriarch Kirill sa kanilang mga misa — ang pinunong panrelihiyon ng Russia na tinawag ang digmaan bilang isang “banal na misyon.”
Gayunpaman, nananatiling may pagdududa ang ilang lider ng OCU. Si Archpriest Oleksandr Tkachuk, pinuno ng isang maliit na kongregasyon ng OCU sa isang simpleng kapilya sa Kramatorsk, ay lantaran ang batikos sa UOC. “Isa lamang silang sangay ng FSB (Russian intelligence agency) na nagkukubli sa anyo ng simbahan,” aniya. Bukas siya sa pagbabago at nais ng mga repormang panrelihiyon.
Kahit maliit ang kanyang parokya, matatag ang paninindigan ng kanyang mga tagasunod. Isa na rito si Mykola, 63, na nawalan ng anak sa 2014 na rebolusyong maka-Europa. Nasira rin ang kanilang bayan noong 2023 dahil sa pambobomba ng Russia. “Kami’y nananalangin kay Epiphanius, hindi kay Onufriy,” sabi niya, tumutukoy sa mga pinuno ng dalawang magkaribal na simbahan.
Bagama’t tumaas ang bilang ng mga sumusuporta sa OCU sa buong bansa — mula 34% noong 2020 tungong 56% noong 2023 — matatag pa rin ang presensya ng UOC sa silangan, lalo na sa mga nakatatanda at nagsasalita ng Ruso.
Ang Holy Trinity Cathedral sa Kramatorsk, na kabilang sa UOC, ay patuloy na dinarayo ng mga deboto. Dito, makikita ang mga simbolo ng pananampalatayang may halong estetikang Soviet. Ayon kay Archpriest Sergiy Kapitonenko, ang pag-atake sa kanilang simbahan ay kahalintulad ng mga pag-uusig noong panahon ng Unyong Sobyet. “Habang pinagbabawal mo ang isang bagay, lalong pinaghahangad ng tao,” aniya.
Bagama’t nananalangin siya para sa Ukraine at tinatanggap ang mga sundalong Ukrainiano sa kanyang simbahan, tumatanggi siyang kumampi sa OCU. “Ang Ortodokso ay likas na konserbatibo,” wika niya. “Iyan ang diwa ng aming simbahan sa loob ng 2,000 taon.”
Para sa iba, gaya ng 22-anyos na si Roman Salnykov mula Kyiv, tila mas pampulitika kaysa espirituwal ang pagkakaiba ng dalawang simbahan. “Napuntahan ko ang pareho,” aniya. “Baka sa mga pari lang talaga sila nagkakaiba.”| – Kabayannews.net