Nagpahayag ng suporta ang U.S. Secretary of State na si Marco Rubio para sa Pilipinas matapos ang bagong hakbang ng China na ideklarang “national nature reserve” ang Scarborough Shoal (kilala rin bilang Bajo de Masinloc).
Ayon kay Rubio sa kanyang pahayag nitong Sabado, “Kapanalig namin ang Pilipinas sa pagtutol sa mapanlinlang na plano ng China na gawing ‘nature reserve’ ang Scarborough Reef.”
Sa madaling sabi, tingin ng U.S. na ginagamit lang ng China ang label na “nature reserve” para palakasin ang pag-aangkin nito sa mga bahagi ng South China Sea — kahit pa malinaw na nasa loob ito ng teritoryo ng Pilipinas. Kasama sa epekto nito ang pagbabawal sa mga mangingisdang Pilipino na makapangisda sa mga tradisyunal nilang lugar.
Binalikan din ni Rubio ang desisyon ng Permanent Court of Arbitration noong 2016, na nagsabing walang legal na basehan ang “nine-dash line” claim ng China. Idiniin niya na pabor ito sa Pilipinas at dapat itong sundin.
“Panawagan ng Estados Unidos sa China: sundin ang desisyon ng arbitral tribunal. Ilegal ang ginawang pagharang sa mga mangingisdang Pilipino sa Scarborough Reef,” dagdag pa ni Rubio.
Samantala, inanunsyo rin ng Department of Foreign Affairs (DFA) na magsusumite ito ng pormal na diplomatic protest laban sa bagong hakbang ng China — isang hakbang na tinitingnang panibagong paraan para palakasin ang kontrol ng Beijing sa pinagtatalunang teritoryo.| – BNN Integrated News