Nanawagan si Senator Alan Peter Cayetano ng mas matibay na pakikipagtulungan sa Department of Science and Technology (DOST) para maresolba ang paulit-ulit na pagbaha sa bansa.
“Science and engineering, not politics, must guide flood control,” diin ng senador nitong Huwebes.
Ito’y matapos sabihin ni DOST Secretary Renato Solidum Jr. na may sapat na kagamitan at datos ang ahensya para makagawa ng mas epektibong flood control projects tulad ng digital elevation models, geohazard maps, at forecasting systems.
Matagal nang panawagan ni Cayetano na siyensya at datos ang gawing basehan ng mga proyekto kontra-baha, hindi pulitika.
Noong 2023 pa lang, hinihikayat na niya ang DPWH na makinig sa DOST kaysa sa kagustuhan ng ilang pulitiko.
Ayon kay Cayetano, malaki ang matitipid ng bansa kung hazard mapping ang uunahin.
“If you spend P30-40 billion on hazard mapping that informs where not to build (and) which river to protect, you may not need P250 billion in flood control in the future,” ani Cayetano sa isang pagdinig sa Senado noong 2023.
Inulit niya ito noong 2024 sa pagtalakay sa panukalang budget ng DPWH.
“The pandemic taught us that we really have to be science-based. Pero bakit sa DPWH, in the end, it is the politicians who are followed?” puna niya.
“If the hazard map says ‘dito babaha, dito dapat lagyan ng flood control,’ then that’s where we should build,” giit niya.
Sinabi rin ni Solidum na para maiwasan ang baha, dapat isinasaalang-alang ang mga nakapaligid na istruktura bago magtayo o bumuo ng mga bago dahil nagiging sanhi ng baha ang hindi pantay na lupa – bagay na ipinunto rin ni Cayetano dalawang taon na ang nakalipas.
“Damay-damay po y’an. Kung napansin niyo po, ilang beses itinaas ang MacArthur Highway pero hindi naman in-upgrade y’ung iba[ng kalsada], kaya y’ung tubig wala talagang pupuntahan,” ani Cayetano sa plenaryo ng Senado noong August 1, 2023.
Giit ni Cayetano, kailangang magtulungan ang mga ahensya at DOST para masigurong tunay na epektibo at matibay ang mga proyekto laban sa baha.
“Science and engineering must lead the way. If DOST can make their tools and findings public, and LGUs use them, we can finally move away from piecemeal and politicized projects toward real solutions that protect our people,” wika niya.| – Kabayannews.net