Dead on the spot ang isang construction worker samantalang sugatan ng apat na iba pang kasamahan kabilang na ang drayber nang mabaligtad ang minamanehong truck sa palusong na bahagi ng daan sa Barangay Pisa, bayan ng Tingloy, Batangas.
Sa ipinadalang ulat ng Batangas Provincial Police Office (BPPO) nitong Lunes, nabatid na sakay ang mga naturang construction workers ng truck na may plakang XAN-458 na pagmamay-ari ng Bitrics Trading.
Kinilala ng otoridad ang nasawing pasahero na si alias Jonathan, 20 anyos, ng Barangay San Isidro, Tingloy.
Gayundin naman, kinilala rin ng pulisya ang drayber na si Alex, 62 anyos, na mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide and physical injuries.
Ang iba pang pasahero na nasugatan sa insidente ay nakilalang sina alyas Jommel, 22, ng Brgy. San Isidro Tingloy Batangas; isang alyas Brian, 36 ng Brgy. San Francisco, Mabini, Batangas; at alyas Jomel, 22 ng Sto. Nino, San Pascual, Batangas.
Ang sugatang drayber, at ang mga pasaherong sina alayas Jommel at alyas Brian ay pawang mga isinugod sa Mabini Medical Hospital; samantalang si alayas Jomel anman ay kasalukuyang nagpapagaling sa United Doctor of St. Camilus de Lellis Hospital sa Batangas City.
Patuloy pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang otoridad kaugnay ng naturang insidente.|